Gamot sa Burnout? Travel na Itu!

Bilang isang millennial (o feeling millennial), siguro naiintindihan mo ang ibig sabihin ng workplace burnout. Kamakailan lamang, mas umingay ang kababalaghan na ito. Ayon sa ilang news sites, naglabas ang World Health Organization (WHO) ng report na nagsasabing medical condition na ang burnout.

Matapos ang kaguluhang idinulot ng mga balitang ito, inilinaw ng WHO na hindi totoo ang mga nai-report. Hindi medical condition ang burnout, kung hindi isa itong “occupational phenomenon.” Sabi sa International Classification of Diseases (ICD-11) handbook nila, ang burnout ay isang sintomas na idinudulot ng  “chronic workplace stress” na hindi ma-manage ng maayos.

Ayon din sa ICD-11, may tatlong sintomas ang burnout: 

  1. Karamdaman ng pagkaubos ng enerhiya;
  2. Katamaran o kalungkutan mag-trabaho;
  3. Kawalan ng kakayahang mag-trabaho nang maayos.

Sa ngayon, mataimtim na pag-aaral pa ang ginagawa ng WHO ukol sa workplace burnout. Kaya naman ngayon, ang makukuha pa lang natin ay ang kasiguraduhang totoo ang kababalaghang ito. At, dahil sa katotohanan nito, binigyan na rin tayo ng ilang paunang lunas ng mga eksperto. Ang paborito naming solusyon kontra workplace burnout? Travel. 

Tamuh!

Maraming paraan sa kung paano nakalulunas ng burnout ang travel. Ang mga susunod ay pawang mga ehemplo lamang. Lahat ng mga ito, may ebidensyang siyentipiko at medikal. Kaya next time na nabu-burnout ka na, hiritan mo na ang boss mo nito. Malay mo, payagan niya na ang leave mo!

Disclaimer: Hindi po ako doktor. Lahat ng mga nakasaad dito ay pawang galing sa aking mga nai-research. Naka-hyperlink naman lahat ng batis ko rito. Chekirawt niyo na lang kung ayaw niyong maniwala. 

Kung sa tingin mo ay malala na ang workplace burnout mo, o kung may nararamdaman na kayong ibang seryosong sintomas ng mental health issues, magpakonsulta kayo sa doktor. Sinusuportahan namin kayo, beshy. Mahal namin kayo.

Basahin din ito: This Sucks: Travel Burnout & How I Dealt With It

1. Nakababawas ng stress ang travel

Isa sa pinakakaraniwang dahilan ng burnout ay ang work-related stress. Madalas, nangyayari ito dahil sa presyur ng trabaho. Para maiwasan ang stress, subukan mong mag-travel. 

Ayon sa 2013 study ng American Psychological Association (APA), nakababawas ng stress at iba pang mga negatibong emosyon ang pagta-travel. Paano? Tuwing nagta-travel tayo, naaalis tayo mula sa nakaka-stress na kapaligiran natin. Nailalagay tayo sa mapayapang lugar kung saan pwede tayong mag-relax at mag-refresh ng utak.

Sa sobrang pagkaepektibo ng travel bilang stress aid, may mga doktor na ring nagpe-prescribe nito para makatulong sa paggamot ng ilang pisikal at mental na sakit.

2. Nakakasaya ang travel

Talagang nakakaapekto ng mental health ang workplace burnout. Importanteng naaalagaan natin ang kalusugang mental natin — kaya importanteng nagta-travel tayo.

Naglabas ang Marshfield Clinic ng pag-aaral noong 2005. Ayon doon, mas kaunti ang nade-depress at nagkaka-tensyon na mga traveller kumpara sa mga taong hindi masyadong nagta-travel. 

“Women who take vacations frequently are less likely to become tense, depressed, or tired, and are more satisfied with their marriage. These personal psychological benefits that lead to increased quality of life may also lead to improved work performance,” sabi ng pag-aaral.

Bukod pa rito, may lumabas din na mas bagong pag-aaral na nagpatutunay ng halaga ng travel sa kaligayahan ng tao. Sabi rito, mas masaya ang mga taong gumagastos sa experience kaysa sa materyal na bagay.

3. Nakatitibay ng relasyon ang travel

Minsan, lalong sumasama ang burnout mo dahil sa katrabaho mong masakit sa ulo. Sabi ng APA, ang kawalan ng social support system ang isa sa pinakamalaking dahilan ng stress.

Kung nararamdaman mong hindi pa maayos ang relasyon niyong magkakatrabaho, subukan niyong mag-travel nang magkakasama! Kung nakukulangan ng oras sa iyo ang mga mahal mo sa buhay, ayain mo silang mag-travel!

Makipag-bonding ka sa mga mahal mo sa buhay hanggang sa kayang kaya mo nang mag-trabaho ulit. Magpahinga ka kasama ang iyong mga kaibigan at kamag-anak, at siguradong babalik ka sa trabahong masaya at inspired. 

4. Nakatataas ng pagkakamalikhain ang travel

Lahat ng trabaho, kailangan ng utak na kayang makaisip ng mga bagong ideya. Ito ang isa pang dahilan kung bakit importante ang travel para sa pagiging produktibo.

Tuwing nagta-travel tayo, napupunta tayo sa kakaibang kapaligiran. Sa pamamagitan nito, nakagagawa ng bagong neural pathways ang utak nating nakakatulong sa pagiging malikhain.

Kaya naman, sa mga nabu-burnout na creatives diyan… Patayin niyo na ang mga laptop niyo at mag-travel na muna kayo.

5. Nakakalakas ng decision-making ang travel

Isa sa mga posibleng dahilan ng burnout ay ang kawalan ng kontrol sa trabaho. Ayon kay

Erik Gonzalez‐Mulé, isang propesor ng organisational behaviour and human resources sa Kelley School: Ang mga taong walang kontrol sa kanilang trabaho ay karaniwang mas maagang namamatay kaysa sa mga empleyadong may workplace flexibility. Para makaiwas ng ka-toxic-an sa trabaho, kailangan ng mga empleyadong maramdamang may boses sila.

Nakatutulong ang travel, lalo na ang solo travel, na maka-push ng kalayaan at kasarinlan. Natututo ang mga traveller na alagaan ang sarili, mag-desisyon mag-isa, at mag-tiwala sa sariling kutob.

Basahin din ito: Travel Discussions: Is Travel A Need Or A Want?

Ayon nga sa ilang batis, maraming benepisyo ang travel na makakokontra sa workplace burnout. Agree ka ba sa mga ito?

Published at


About Author

Danielle Uy

Author at TripZilla

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles