Itigil Mo na ang Pag-Post ng Iyong Vaccination Card — Delikado Ito

Kung kumikita lang ako sa bawat post ng vaccination card na nakikita ko sa Internet, ang yaman ko na siguro ngayon. Walang halong biro!

Dati, halos ang “cool” pa kung tingnan ang mga post na pinapakita ang dokumento na ito. Tila isang milestone sa gitna ng pandemya nga naman na mabakunahan. Parang pagsakay sa eroplano sa unang beses sabay may litrato ng passport, o pagtapos sa unibersidad kung saan gawain ng mga taong mag-pose kasama ang diploma nila. Hanggang sa halos lahat na ginagawa ito, ni hindi alam na posibleng biktima na pala sila ng namumuong krimen ngayon online na kung saan sinasamantala ang mga post na ito.

Basahin din: Travel Flexing at Bakit Tayo Mahilig Mag-Post ng Travels?

Ang dahilan kung bakit dapat itigil na ang vaccination card posts

Naalala mo pa ba noong pinagbawal ang pag-post ng boarding pass sa social media? Hindi nagkakalayo ang kaso na ito roon. Dahil sa mga nakalagay na personal na impormasyon sa vaccination card natin, maaaring magamit ito ng mga scammer para gumawa ng mga krimen. Kabilang na rito ay ang theft o pagnanakaw. Dahil dito, naglalabasan ang mga pekeng vaccination card kung saan posibleng ginagamit ang mga detalye mo. Nariyan din ang unauthorised bank transactions, at marami pang iba.

Una nang nagbala ang isang nonprofit organisation sa United States (US) na tinatawag na Better Business Bureau ukol sa isyu na ito nitong 2021.

“Unfortunately, your card has your full name and birthday on it, as well as information about where you got your vaccine. If your social media privacy settings aren’t set high, you may be giving valuable information away for anyone to use,” sabi nito. [Taglay ng card mo ang iyong pangalan, kaarawan, at kung saan ka nagpabakuna. Kung hindi maayos ang privacy setting ng social media mo, maaaring nagbigay ka na ng maselang impormasyon tungkol na pwedeng gamitin ng iba laban sa iyo.]

Maliban sa buong pangalan at kaarawan, taglay rin ng mga vaccination card ang tinatawag na vaccine lot number. Nariyan din ang pangalan ng nagbakunang opisyal, lagda nila, o litrato ng pasyente na nakaharap sa kamera. Kung sa tingin mo ay walang epekto ang iilang piraso ng impormasyon na ito, diyan ka nagkakamali.

“Think of it this way — identity theft works like a puzzle, made up of pieces of personal information. You don’t want to give identity thieves the pieces they need to finish the picture,” sabi naman ng US Federal Trade Commission. [Ang identity theft ay parang puzzle na binubuo ng maliliit na detalye. Kada detalye na nakukuha ng mga magnanakaw ay maaaring gamitin upang mabuo ang mga impormasyon na kailangan nila para manakawan ka.]

Sa ilang kaso, makikita rin sa mga vaccination card ang iyong contact number, tirahan, government ID number, at QR code na madaling ma-iskan. Sa tulong nitong maliliit na impormasyon, maaari kang mai-stalk, manakawan ng pera, at gamitin ang pagkakakilanlan mo para makabiktima pa ng ibang tao. Sa panahon ngayon, hindi mo na kailangan ang dagdag na problema na ito, kaya mabuting huwag mo na lang i-bahagi ito sa iyong social media followers.

Basahin din: Dear Friend Na Feeling Travel Influencer, Push Mo Lang Yan

May iba pang paraan para mahikayat ang iba na magpabakuna

Naiintindihan naming nagpo-post ang karamihan sa atin ng vaccination card upang maengganyo ang iba na magpabakuna. Ngunit maaari mo itong gawin sa mas ligtas na paraan. Para sa iyong impormasyon, hindi rito kasama ang simpleng pag-blur o pagtakip ng ilang bahagi ng vaccination card mo. Ayon sa isang information and communications technology organisation sa Pilipinas, mayroon na ng tinatawag na restoration tools para makita pa rin ang mga detalye rito.

“There are tools (available for free) that can be used to guess or restore the original image. While we do want to encourage more people to get vaccinated, we should be careful not to do this at the expense of our privacy and security,” dagdag ni Kim Cantillas, ang secretary-general ng Computer Professionals’ Union, sa Rappler. [Mayroong mga libreng tools ngayon na maaaring gamitin para mahulaan o ibalik sa orihinal na lagay ang litrato. Gusto man nating maengganyo ang mas marami pang tao na magpabakuna, dapat mag-ingat din tayo na hindi malagay sa panganib ang ating seguridad.]

Kaya naman para sa mga nais ibahagi ang mensahe na magpabakuna laban sa COVID-19, subukang gawin na lamang ang mga ito: Kuhanan ng litrato ang sticker sa iyong braso kung saan binakunahan; magpakuha ng naka-zoom out na litrato mo sa photo booth ng vaccination site; o maglagay ng filter sa social media na nagsasabing nabakunahan ka na. Marami pang iba depende na lang kung nasaan kang bansa. Para naman sa iyong vaccination card, pwedeng-pwede mo pa rin ito kuhanan ng litrato o ipa-photocopy sa pansariling dokumentasyon. Basta iwasan na lang na i-post ito online!


Isinalin galing sa (translated from): Stop Posting Your Vaccination Cards — It Could Be Used Against You

Published at


About Author

Joser Ferreras

Joser is a senior writer for TripZilla based in Manila, Philippines. He mostly covers travel, people, and business.

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!

Recommended Articles