7 Signs Na Drawing Ang Susunod Na Barkada Trip Niyo

Nabalitaan mo sa Flight Deals – Philippines na may seat sale na naman. Pero, nalaman mo kamakailan lang na hindi ka talaga tinadhanang maging solo traveller. Kaso, wala ka namang love life at wala kang travel buddy. Busy rin ang buong pamilya mo kaya hindi mo rin sila maaya. Ang natitira na lang na pwede mong ayain ay…

Ang barkada mong drawing.

Alam mong mahirap ayain ‘tong mga ‘to. Ilang beses na kayong nagtangkang magplano ng kung anu-anong lakad. Ilang taon nang walang kakulay-kulay maski isa sa mga drawing niyo. Kahit na ganoon, nilakasan mo pa rin ang loob mo at nagbakasakaling may pag-asa ‘tong lakad niyong ‘to.

Sa travel, maraming pagkakataong napapaasa tayo —  mapa-seat sale man ‘yan, o ‘yung tour guide nating nagsasabing “Malapit na po, Ma’am!” Ayaw na nating madagdagan ang mga pagkakataong umaasa tayo tapos nasasaktan. Kaya naman, kung pamilyar sa’yo ang mga sumusunod na senyales, bes, huwag ka nang umasang matutuloy ang susunod na barkada trip niyo. Masasaktan ka lang.

Also read: The Ugly Truths About Travelling with Your Barkada

1. Dinner na nga lang, hindi pa matuloy

Red flag na ‘tong malaki-laki ang problema niyo. Kakain na nga lang kayo sa labas, hindi pa kayo makumplekumpleto! Kesyo malayo raw, o masyadong busy yung isa niyong friend. ‘Yung isa naman, next sahod na lang daw sasama. Minsan, magkakasama na nga kayo, hindi pa kayo makapagdesisyon sa kung saan kakain! Edi paano na kayo niyan pagdating sa pagplano ng isang buong barkada trip? Magtititigan na lang ba kayo hanggang sa may hulog ng langit na travel package?

2. Walang nagpaplano ng maayos

Ito ha, kung hindi ka marunong magplano ng barkada trip, huwag kang mag-alala. Ako rin. Pero, kung lahat kayo sa barkada hindi marunong magplano, at wala man lang ni isang nagtatangkang magplano, tama nga sigurong mag-alala ka na. Wala na ‘yan.

Sa totoo lang, ganito ang gawain ko, dahil mas kaya kong magplano para sa sarili ko: Magse-set ako ng sarili kong lakad tapos mag-aaya ako sa group chat. Sama na lang lahat ng gustong sumama. Sinasabi ko rin na hanggang dalawang beses lang pwedeng mapalitan ang proposed schedule ko at baka mauwi na lang din sa drawing kung palipat lipat ng schedule. Buti na lang, walang problema sakin kung mag-isa lang akong matutuloy. Kaso, ‘yun na nga eh, mag-isa lang talaga akong natutuloy.

3. Gusto niyong puntahan lahat

Maganda raw sa Zambales, pero maganda rin sa Bataan, at maganda rin sa Cebu, pero wait —  seat sale! — pasok na rin sa budget ang Bali!

Eh kung matatalo na ng barkada mo si Magellan sa haba ng pangarap na expedition, baka abutin na kayo ng siyam-siyam sa pamimili pa lang ng lugar. Hindi pwedeng lahat na lang ng makita niyong maganda sa Facebook, travel goals niyo na. Kung lugar pa lang, hindi na kayo makapili, pano na kaya yung mismong pagpaplano? Lagi na lang matatapos ang usapan sa “G! I-set na ‘yan!” kasi sa totoo lang, walang magboboluntaryong mag-set sa inyo.

4. May kaibigan kang “artista”

Hindi lang ‘yung kaibigan mong artistahin ‘yung tinutukoy ko. Ito ang kaibigan mong laging magre-reply ng “G!” sa group chat, pero lagi namang may ibang commitment. I-schedule mo man ng three months in advance ‘yang plano niyo, hindi mo pa rin siya mapapa-oo. Dalawa lang ang maaari niyang sagot: “Ay, may nauna na akong commitment” o “Hindi ko pa sure sa ngayon eh, check ko schedule ko.”

Ayan si frenny mong artistahin. Ang malala pa riyan, magtatampo siya kapag hindi niyo siya sinama. Hayaan niyo na, sumama na lang kayo kapag may taping siya.

5. “Try ko.”

Pare, classic ‘to. Sa lahat ng kaibigan mong nagsabi ng “Try kong sumama,” may dumating na ba? Kaya gamit na gamit ‘yang linyang ‘yan ay dahil madali lang umatras kapag hindi ka umoo. Tapos, tila bang inspiring ‘tong galawan na ‘to, pati na rin yung iba mong kaibigan mangangako na susubukan din daw nila!

Magkakaalaman na lang kung sino ang talagang sasama pagdating ng singilan. Kung walang magbabayad ng travel expenses nila, maghanda ka nang mag-travel mag-isa.

6. Paiba-iba kayo ng plano

Yung may na-set na kayong date, biglang may hindi pwede. Magpo-propose siya ng panibagong plano sa panibagong oras — “Pwede bang sa ganitong araw na lang?” Eh kaso, may isa na namang hindi pwede. So, hahanap kayo ng iba na namang schedule.

Bes, maniwala ka — mauusog lang ‘yan nang mauusog hanggang sa limang taon na ang nakalipas at hindi pa rin natutuloy ‘yang plano niyo. Huwag na kayong maglokohan. I-cancel niyo na lang kaagad. Sayang lang oras niyo kada-drawing ng lakad.

7. Hanggang tag na lang kayo sa Facebook

May nakitang nakaka-inspire na budget trip blog si beshie. Tinag ka. Yung isa may nakitang mukhang okay na resort sa Batangas, kahit pang-photoshoot lang. Tinag ka. Nag-reply ka naman ng “Tara!”

Mention-mention na lang ba ‘to? Ni wala man lang effort mag-PM? ‘Wag mo nang asahang totoo ‘yan, bes. Siguro na-tag ka lang para sabay-sabay kayong mangarap. Wala pa akong naririnig na nabuong plano sa comments section. Sayang naman. I-push niyo naman hanggang group chat para naman kahit papano masabi niyong nag-effort kayo.

Also read: Drawing No More: How My Barkada Turned Our Taiwan Trip to Reality

Meron akong iisang barkadang medyo consistent ang pagta-travel namin together. Pero nangyayari lang ‘yun dahil meron kaming reyna ng itinerary. Nung isang taon, napilay siya. Hindi siya pinayagan ng doktor gumala. Kaya ayon. Wala na. Finish na. Pero nung susunod na taon, nung magaling na siya, natuloy na ulit ang annual barkada trip namin.

Minsan, may mga pagkakataong wala na tayong magagawa kung hindi tanggapin ang katotohanan. Hindi lahat ng barkada, kayang mag-travel. Hindi naman ibig sabihin noon, hindi na kayo pwedeng maging magkakaibigan. Totoong nakakalakas ng pagkakaibigan ang travel, pero hindi dapat nakasalalay ang relasyon niyo rito. Malay mo, dumating din ang tamang panahon na makukulayan niyo rin ang drawing niyo. Pero sa ngayon, subukan niyo na lang muna matuloy ang dinner niyo.

Published at


About Author

Danielle Uy

Author at TripZilla

Brand Managers!

Want to see your brand or business in this story?

Talk to us now

Subscribe our Newsletter

Get our weekly tips and travel news!